1 Chronicles 17:16-27
Ang Panalangin ni David
(2 Sam. 7:18-29)
16Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin, “Panginoong Dios, sino po ba ako at ang sambahayan ko para pagpalain nʼyo nang ganito? 17Ngayon, O Dios, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao. O Panginoong Dios, 18ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 19O Panginoon, dahil po sa akin na inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin. 20Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 21At wala ring ibang tao na tulad ng inyong mga mamamayang Israelita. Ang bansang ito lamang sa mundo ang inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa kadakilaan at kamangha-manghang ginawa nʼyo nang itinaboy nʼyo ang mga bansa sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan na inilabas nʼyo sa Egipto. 22Ginawa nʼyong sariling mamamayan ang mga Israelita magpakailanman, at kayo, Panginoon, ang kanilang naging Dios.23– 24“At ngayon, Panginoon, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa aking pamilya, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang pamilya koʼy magpapatuloy sa paglilingkod sa inyong presensya magpakailanman. 25Malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito aking Dios, dahil ipinahayag ninyo sa akin na inyong lingkod na magpapatuloy ang aking paghahari sa pamamagitan ng aking angkan.
26“Panginoon, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo po sa inyong lingkod ang mga magagandang bagay na ito. 27At ngayon, nalulugod po kayong pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy ito sa presensya nʼyo magpakailanman. Sapagkat kapag nagpapala kayo Panginoon, ang pagpapala ninyoʼy magpakailanman.”
Copyright information for
TglASD