‏ Zechariah 7

Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno

1May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2 3Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. 4At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: 5“Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. 6At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. 7Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev
Negev: Lugar na nasa bandang timog ng Juda.
at ang kaburulan sa kanluran.”
kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.


8 9Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’

11“Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”

Copyright information for TglASD