‏ Zechariah 9

Parurusahan ng Dios ang mga Bansang Kalaban ng Israel

1Ito ang mensahe ng Panginoon:

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damascus, dahil ang lahat ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.
ang lahat … Israel: o, nagbabantay ang Panginoon sa lahat, lalung-lalo na sa lahi ng Israel.
2Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damascus, pati na ang lungsod ng Tyre at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito. 3Ang mga taga-Tyre ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa. 4Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.

5Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan. 6Ang Ashdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo. 7Hindi na sila kakain ng karneng may dugo
kakain … dugo: o, iinom ng dugo.
o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Dios na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.
Jebuseo: Ang tubong mga mamamayan ng Jerusalem na sinakop ni David pagkatapos niyang agawin ang bayan (2 Sam. 5:6-10).
8Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo
templo: o, Jerusalem; o, bansang Israel.
laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.

Ang Darating na Hari ng Jerusalem

9 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, dahil ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno. 10Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda.
sa Israel at sa Juda: sa Hebreo, sa Efraim at sa Jerusalem. Ang Efraim ay kumakatawan sa kaharian ng Israel at ang Jerusalem naman ay sa kaharian ng Juda.
Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat,
mula … dagat: Ang ibig sabihin, mula sa Dagat na Patay hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.
at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”
mundo: o, buong lupain ng Israel.


Palalayain ng Dios ang Nabihag na mga Taga-Israel

11 Sinabi pa ng Panginoon, “Tungkol naman sa inyo na mga taga-Israel, palalayain ko ang mga nabihag sa inyo. Sila ay parang mga taong inihulog sa balon na walang tubig. Palalayain ko sila dahil sa kasunduan ko sa inyo na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo. 12Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo. 13Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Israel. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Grecia.”

Tutulungan ng Dios ang mga Taga-Israel

14Magpapakita ang Panginoon sa ibabaw ng kanyang mga mamamayan. Kikislap ang kanyang pana na parang kidlat. Patutunugin ng Panginoong Dios ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog. 15Iingatan ng Panginoong Makapangyarihan ang kanyang mga mamamayan. Tatapak-tapakan lang nila ang mga batong ibinabato sa kanila ng mga kaaway nila. Magkakainan at mag-iinuman sila upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Magsisigawan sila na parang mga lasing. Mabubusog sila ng inumin katulad ng mangkok na punong-puno ng dugong iwiniwisik sa mga sulok ng altar. 16 17Sa araw na iyon, ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Dios bilang kanyang mga tupa. Napakaganda nilang tingnan sa kanilang lupain. Ang katulad nilaʼy mamahaling batong kumikislap sa korona. Magiging sagana sila sa mga butil at ubas na magpapalakas sa kanilang mga kabataan.

Copyright information for TglASD