‏ Zechariah 8

Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem

1 2Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. 3Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok
bundok: Ang Bundok ng Zion, na kung saan naroon ang templo.
ay tatawaging Banal na Bundok.
4Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. 5At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”

6Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. 7Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. 8Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”

9Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12Mapayapa kayong magtatanim.
Mapayapa kayong magtatanim: o, Malusog na tutubo ang mga binhing itinanim.
Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira.
13Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”

14Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”

18 19Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.
kapayapaan: o, magkaroon ng mabuting relasyon sa bawat isa.
20Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’

22“Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”

Copyright information for TglASD