‏ Zechariah 3

Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari

1Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.
Pinaratangan ni Satanas ang punong pari na si Josue pati ang mga kapwa nito Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan, at inaakala ni Satanas na hindi na kaaawaan ng Panginoon ang mga ito.
2Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”

3Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. 4Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”
bagong damit: o, damit ng pari; o, damit na mamahalin.
5At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.

6Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi 7ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. 8Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.
Sanga: Isang tawag ito sa Mesias (ang hari na hinihintay ng mga Israelita).
9Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.
mata: o, bukal.
Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.
sa loob … araw: o, isang beses lang.
10Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Copyright information for TglASD