Zechariah 2
Ang Pangitain Tungkol sa Lalaking may Panukat
1Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat. 2Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.” 3Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel 4at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking iyon na may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop. 5Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”Pinababalik ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan sa Kanilang Lugar
6– 7Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Pinangalat ko kayo sa lahat ng sulok ng mundo. Pero ngayon, tumakas na kayo, pati kayong mga binihag at dinala sa Babilonia, at bumalik na kayo sa Zion.”8Pagkatapos kong makita ang pangitaing iyon, sinugo ako ng Panginoon na magsalita laban sa mga bansang sumalakay sa inyo at sumamsam ng inyong mga ari-arian. Sapagkat ang sinumang gumagawa ng masama sa inyo ay para na ring gumagawa ng masama sa mahal ng Panginoon. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan laban sa mga bansang iyon: 9“Parurusahan ko sila; sasalakayin sila ng kanilang mga alipin at sasamsamin ang kanilang mga ari-arian.” At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin.
10– 11Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga taga-Zion, dahil darating ako at maninirahang kasama ninyo. At sa panahong iyon, maraming bansa ang magpapasakop sa akin. At sila rin ay magiging aking mga mamamayan.” Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin dito sa inyo. 12At muling aangkinin ng Panginoon ang Juda bilang kanyang bahagi sa banal na lupain ng Israel. At ang Jerusalem ay muli niyang ituturing na kanyang piniling lungsod.
13Tumahimik kayong lahat ng tao sa presensya ng Panginoon, dahil dumarating siya mula sa kanyang banal na tahanan.
Copyright information for
TglASD