‏ Titus 2

Ang Wastong Pagtuturo

1Ngunit ikaw, Tito, ituro mo ang naaayon sa wastong aral. 2Ang mga nakatatandang lalaki ay turuan mong maging mahinahon, marangal, marunong magpasya kung ano ang nararapat,
marunong magpasya kung ano ang nararapat: o, mapagpigil sa sarili.
at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis.
3Ganoon din sa mga nakatatandang babae: turuan mo silang mamuhay nang maayos bilang mga mananampalataya. Huwag silang mapanira sa kapwa, at huwag maging mahilig sa alak. Dapat ay ituro nila ang mabuti, 4upang maturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, 5marunong magpasya kung ano ang nararapat, malinis ang isipan, masipag sa tahanan, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Dios na ating itinuturo.

6Ganoon din, hikayatin mo ang mga nakababatang lalaki na magpasya kung ano ang nararapat. 7Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. 8Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.

9Turuan mo rin ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. At huwag silang maging palasagot. 10Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo, kundi ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Dios na ating Tagapagligtas.

11Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.

15Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Copyright information for TglASD