‏ Titus 1

1Mula kay Pablo, na lingkod
lingkod: sa literal, alipin.
ng Dios at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako ng Dios upang patibayin ang pananampalataya ng kanyang mga pinili, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa uri ng buhay na katanggap-tanggap sa kanya.
2Ang pananampalataya at pang-unawang ito ang siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako na ng Dios bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. 3At ngayon na ang panahon na itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Dios na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.

4 Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Ang mga Gawain ni Tito sa Crete

5Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. 6Piliin mo ang may magandang reputasyon,
may magandang reputasyon: o, walang kapintasan.
isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo.
7Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. 8Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,
marunong magpasya kung ano ang nararapat: o, mapagpigil sa sarili.
matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili.
9Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito. 10Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11Kinakailangang pigilan sila, dahil nanggugulo sila sa mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: “Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.” 13Tama ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya 14at huwag nang pansinin ang mga kathang-isip ng mga Judio o mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis. Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa.

Copyright information for TglASD