‏ Ruth 3

Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz

1Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. 2Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang kanyang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. 3Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. 4Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga.
iangat … mahiga: Maaaring pagpapakita na humihingi siya ng proteksyon kay Boaz.
At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
5Sumagot si Ruth, “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” 6Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya.

7Nang matapos kumain at uminom si Boaz, gumanda ang pakiramdam niya. Nahiga siya sa tabi ng bunton ng sebada para matulog. Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon. 8At nang maghahatinggabi na ay nagising si Boaz, at nang nag-inat
nag-inat: o, bumaling.
siya, nagulat siya na may babaeng nakahiga sa paanan niya.
9Nagtanong si Boaz, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit nʼyong kamag-anak na dapat nʼyong pangalagaan. Takpan nʼyo po ako ng damit ninyo para ipakita na pakakasalan at pangangalagaan nʼyo ako.” 10Sinabi ni Boaz, “Anak, pagpalain ka nawa ng Panginoon. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay mas higit pa sa ipinakita mo noon.
Ang katapatan na ipinakita niya noon sa pamilya niya ay ang pagsama niya sa kanyang biyenan pabalik sa Juda. At ang katapatan na ipinakita niya ngayon ay ang pagpapahalaga niya na makapag-asawa ng kamag-anak ng yumao niyang asawa.
Sapagkat hindi ka humabol sa mga binata, mayaman man o mahirap.
11Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti kang babae. 12Totoong malapit mo akong kamag-anak, na may tungkuling pangalagaan ka, pero mayroon ka pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. 13Manatili ka rito nang magdamag, at bukas ng umaga ay malalaman natin kung gagampanan niya ang tungkulin niya sa iyo. Kung papayag siya, mabuti, pero kung hindi, isinusumpa ko sa buhay na Panginoon na gagampanan ko ang tungkulin ko sa iyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga.”

14Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya. 15Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo.” Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinasan kay Ruth. At bumalik si Ruth
si Ruth: o, si Boaz.
sa bayan.

16Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, “Kumusta, anak?” Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17At sinabi pa ni Ruth, “Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada.” 18Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya.”

Copyright information for TglASD