‏ Romans 9

Ang Dios at ang mga Israelita

1Ngayon, ako na mananampalataya ni Cristo ay may sasabihin sa inyo. Totoo ito at hindi ako nagsisinungaling. At pinapatunayan ng Banal na Espiritu sa aking konsensya na totoo ang sasabihin ko: 2Labis akong nalulungkot at nababalisa 3para sa aking mga kalahi at kababayang Judio. Kung maaari lang sana, ako na lang ang sumpain ng Dios at mahiwalay kay Cristo, maligtas lang sila. 4Bilang mga Israelita itinuring sila ng Dios na kanyang mga anak; ipinakita niya sa kanila ang kanyang kadakilaan; gumawa ang Dios ng mga kasunduan sa kanila; ibinigay sa kanila ang Kautusan; tinuruan sila ng tunay na pagsamba; maraming ipinangako ang Dios sa kanila; 5ang kanilang mga ninunoʼy mga pinili ng Dios; at nagmula sa kanilang lahi si Cristo nang siyaʼy maging tao – ang Dios na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanman! Amen.

6Hindi ito nangangahulugan na hindi natupad ang mga pangako ng Dios dahil hindi sila sumampalataya, sapagkat hindi naman lahat ng nagmula kay Israel ay maituturing na pinili ng Dios. 7At hindi rin naman lahat ng nagmula kay Abraham ay maituturing na mga anak ni Abraham. Sapagkat sinabi ng Dios kay Abraham, “Ang mga anak lang na magmumula kay Isaac ang mga lahi na aking ipinangako.”
Gen. 21:12.
8Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay itinuturing na anak ng Dios, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa ipinangako. 9Sapagkat ganito ang ipinangako ng Dios sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
Gen. 18:10, 14.


10Hindi lang iyon, kundi nangyari rin ang ganoon sa dalawang anak ni Rebeka sa ating ninunong si Isaac, ipinakita rin ng Dios na hindi lahat ng nagmula kay Abraham ay itinuturing na mga anak niya. 11 12Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Dios kay Rebeka, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.”
Gen. 25:23.
Sinabi ito ng Dios noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, para patunayan na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao.
13Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,

“Minamahal ko si Jacob, pero si Esau ay hindi.”
Mal. 1:2-3.

14Baka naman sabihin ng iba na hindi makatarungan ang Dios. Aba, hindi! 15Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”
Exo. 33:19.
16Kung ganoon, ang pagpili ng Dios ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Dios. 17Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Dios sa Faraon, “Pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”
Exo. 9:16.
18Kaya nga, kinaaawaan ng Dios ang ibig niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang patigasin.

Ang Galit at Awa ng Dios

19Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20Pero sino ka para magreklamo sa Dios ng ganyan? Tayoʼy mga nilikha lang ng Dios, kaya hindi tayo makakapagreklamo kung bakit niya tayo ginawang ganito. 21Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.

22Ganoon din naman ang Dios. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, pero minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang lipulin na. 23Ginawa niya ito para ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para parangalan. 24Itoʼy walang iba kundi tayo na mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga hindi Judio. 25Ito ang sinabi ng Dios sa aklat ni Hoseas:

“Ang dating hindi ko mga tao ay tatawagin kong, ‘Mga tao ko.’
At ang dating hindi ko mahal ay mamahalin ko.
Hos. 2:23.

26At sa mga sinabihang, ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ ”
Hos. 1:10.

27Tungkol naman sa mga Israelita, sinabi ni Propeta Isaias: “Kahit na maging kasindami pa ng buhangin sa tabing-dagat ang lahi ni Israel, kakaunti lang sa kanila ang maliligtas, 28dahil mabilis at matindi ang gagawing paghatol ng Panginoon sa mga tao sa mundo.”
Isa. 10:22-23.
29Sinabi rin ni Isaias,

“Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay walang itinira sa ating lahi, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.”
Isa. 1:9.

Ang Israel at ang Magandang Balita

30Ano ngayon ang masasabi natin tungkol dito? Ang mga hindi Judio na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Dios na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya. 31Pero ang mga Judio na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo. 32Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Jesu-Cristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.” 33Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,

“Maglalagay ako sa Zion ng batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.
Pero hindi mapapahiya ang mga sumasampalataya sa kanya.”
Isa. 8:14; 28:16.

Copyright information for TglASD