‏ Romans 7

Malaya na Tayo sa Kautusan

1Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas. Kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang ng batas habang nabubuhay siya. 2Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Pero kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. 3Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.

4Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. 5Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na nakapagdudulot ng kamatayan. 6Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

7Ang ibig ko bang sabihin ay masama ang Kautusan? Aba, hindi! Sapagkat kung walang Kautusan hindi ko malalaman kung ano ang kasalanan. Halimbawa, kung hindi sinabi ng Kautusang, “Huwag kang maging sakim,”
Exo. 20:17; Deu. 5:21.
hindi ko sana nalaman na masama pala ang pagiging sakim.
8Ngunit ginamit ng kasalanan ang kautusang ito para pukawin sa akin ang lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, walang kapangyarihan ang kasalanan. 9Noong una, nabuhay ako nang walang Kautusan. Pero nang malaman ko ang Kautusan, nalaman kong ako palaʼy makasalanan at nahatulan na ng kamatayan. 10Kaya ang Kautusan na dapat sanaʼy magbibigay ng buhay ang siya pang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11Sapagkat ginamit ng kasalanan ang Kautusan para dayain ako, at dahil dito nahatulan ako ng kamatayan dahil hindi ko masunod ang Kautusan. 12Pero sa kabila nito, banal pa rin ang Kautusan; ang bawat utos nito ay banal, matuwid at mabuti. 13Nangangahulugan ba na ang mabuting bagay pa ang siyang nagdulot sa akin ng kamatayan? Aba, hindi! Ang kasalanan ang siyang nagdulot nito. Ginamit ng kasalanan ang Kautusan, na isang mabuting bagay, para akoʼy mahatulan ng kamatayan. At dahil dito, nalaman ko kung gaano talaga kasama ang kasalanan.

Ang Kaguluhan sa Puso ng Tao

14Alam natin na ang Kautusan ay mula sa Banal na Espiritu. Pero makamundo ako, at alipin ng kasalanan. 15Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Dahil ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na ayaw kong gawin ang siya kong ginagawa. 16At kung ayaw ko ang mga ginagawa kong masama, ibig sabihin nitoʼy sumasang-ayon ako na tama nga ang sinasabi ng Kautusan. 17Kaya hindi talaga ako ang gumagawa ng masama, kundi ang kasalanang likas sa akin. 18Alam kong walang mabuti sa akin; ang tinutukoy ko ay ang makasalanan kong pagkatao, dahil kahit gusto kong gumawa ng mabuti, hindi ko ito magawa. 19Dahil dito, ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na kinasusuklaman kong gawin ang siya kong ginagawa. 20Kung ginagawa ko man ang ayaw kong gawin, hindi na ako ang talagang gumagawa nito kundi ang kasalanang likas sa akin.

21Ito ang natuklasan ko tungkol sa aking sarili: Kung ibig kong gumawa ng mabuti, hinahadlangan ako ng kasamaang likas sa akin. 22Sa kaibuturan ng aking puso, nalulugod ako sa Kautusan ng Dios, 23pero may napapansin akong ibang kapangyarihan
kapangyarihan: sa literal, kautusan. Ganito rin sa talatang 25.
na kumikilos sa aking pagkatao, na sumasalungat sa pagsunod ko sa Kautusan na alam ko. Dahil dito, naging alipin ako ng kapangyarihan ng kasalanang likas sa aking pagkatao.
24Kawawa naman ako! Sino ang magliligtas sa akin sa makasalanan kong pagkatao na nagdudulot sa akin ng kamatayan? 25Salamat sa Dios, siya ang magliligtas sa akin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon!

Ito ang aking kalagayan: Ang kaisipan ko ay nagpapasakop sa Kautusan ng Dios, pero ang aking makasalanang pagkatao ay nagpapasakop sa kapangyarihan
kapangyarihan: sa literal, kautusan.
ng kasalanan.

Copyright information for TglASD