‏ Revelation of John 7

Ang 144,000 na Tinatakan Mula sa mga Lahi ng Israel

1Pagkatapos nito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng mundo. Pinipigil nila ang apat na hangin upang walang hanging umihip sa lupa, sa dagat o sa alin mang punongkahoy. 2At nakita ko ang isa pang anghel na galing sa silangan na taglay ang pantatak ng buhay na Dios. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Dios ng kapangyarihang maminsala sa lupa at dagat. 3Sinabi niya, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hanggaʼt hindi pa natin natatatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Dios.” 4Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa 12 lahi ng Israel.

512,000 mula sa lahi ni Juda;
12,000 mula sa lahi ni Reuben;
12,000 mula sa lahi ni Gad;
612,000 mula sa lahi ni Asher;
12,000 mula sa lahi ni Naftali;
12,000 mula sa lahi ni Manase;
712,000 mula sa lahi ni Simeon;
12,000 mula sa lahi ni Levi;
12,000 mula sa lahi ni Isacar;
812,000 mula sa lahi ni Zebulun;
12,000 mula sa lahi ni Jose;
12,000 mula sa lahi ni Benjamin.

Ang mga Tao sa Harap ng Trono ng Dios

9Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. 10Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” 11Tumayo ang mga anghel sa palibot ng trono, ng mga namumuno, at ng apat na buhay na nilalang. At lumuhod sila sa harap ng trono at sumamba sa Dios. 12Sinabi nila, “Amen! Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin siya magpakailanman! Amen!”

13Tinanong ako ng isa sa 24 na namumuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Tupa. 15Iyan ang dahilan kung bakit nasa harap sila ng trono ng Dios. Naglilingkod sila sa kanya araw at gabi sa kanyang templo. At ang Dios mismo na nakaupo sa kanyang trono ang siyang kumakalinga sa kanila. 16Hindi na sila magugutom o mauuhaw pang muli. At hindi na rin mabibilad sa init o mapapaso sa sinag ng araw. 17Sapagkat ang Tupang nasa trono ang magiging pastol nila, at dadalhin sila sa mga bukal na nagbibigay-buhay, at papahirin na ng Dios ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.”

Copyright information for TglASD