Revelation of John 14
Ang Awit ng mga Tinubos
1Pagkatapos, nakita ko ang Tupa na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Tupa at ng kanyang Ama. 2Nakarinig ako ng ingay mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. At para ring tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3Ang 144,000 tao ay umaawit sa harap ng trono, ng apat na buhay na nilalang, at ng mga namumuno. Bago ang kanilang awit at walang nakakaalam maliban sa kanila na 144,000 na tinubos mula sa mundo. 4Sila ang mga lalaking hindi sumiping sa babae at hindi nag-asawa. Sumunod sila sa Tupa kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa mga tao upang maging unang handog sa Dios at sa Tupa. 5Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.Ang Tatlong Anghel
6At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid. Dala niya ang walang kupas na Magandang Balita upang ipangaral sa mga tao sa buong mundo, sa lahat ng bansa, angkan, wika, at lahi. 7Ito ang isinisigaw niya, “Matakot kayo sa Dios, at purihin ninyo siya, dahil dumating na ang oras na hahatulan niya ang lahat. Sambahin ninyo ang Dios na lumikha ng langit, lupa, dagat at mga bukal.”8Kasunod namang lumipad ang pangalawang anghel na sumisigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonia! Ang mga mamamayan nito ang humikayat sa mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad nila na kinamumuhian ng Dios.”
9Sumunod pa ang isang anghel sa dalawang anghel na nauna. Sumisigaw din siya, “Ang lahat ng sumamba sa halimaw at sa imahen nito, at tumanggap ng tatak nito sa noo o sa kanang kamay, 10ay makakaranas ng galit ng Dios. Sapagkat parurusahan sila sa nagniningas na apoy at asupre sa harapan ng Tupa at ng mga anghel ng Dios. 11Ang usok ng apoy na magpapahirap sa kanila ay papailanlang magpakailanman. Araw-gabi ay wala silang pahinga sa kanilang paghihirap, dahil sinamba nila ang halimaw at ang imahen nito at nagpatatak ng pangalan nito.”
12Kaya kayong mga pinabanal ▼
▼pinabanal: Tingnan ang “footnote” sa 5:8.
ng Dios na sumusunod sa kanyang mga utos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus, kinakailangang maging matiisin kayo. 13Pagkatapos, may narinig akong tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon. Mula ngayon, makakapagpahinga na sila sa mga paghihirap nila, dahil tatanggapin na nila ang gantimpala para sa mabubuti nilang gawa. At ito ay pinatotohanan mismo ng Banal na Espiritu.”
Ang Pag-ani sa Mundo
14Pagkatapos, nakakita ako ng maputing ulap na may nakaupong parang tao. ▼▼parang tao: o, parang Anak ng Tao.
May gintong korona siya at may hawak na isang matalim na karit. 15At may isa pang anghel na lumabas mula sa templo at sumigaw sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang karit mo, dahil panahon na ito ng pag-aani. Hinog na ang aanihin sa lupa!” 16Kaya ginapas na ng nakaupo sa ulap ang aanihin sa lupa. 17Nakita ko ang isa pang anghel na lumabas sa templo roon sa langit, at may karit din siyang matalim.
18At mula sa altar ay lumabas ang isa pang anghel. Siya ang anghel na namamahala sa apoy doon sa altar. Sumigaw siya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang karit mo at anihin mo na ang mga ubas sa lupa dahil hinog na!” 19Kaya inani niya ito at inilagay doon sa malaking pisaan ng ubas. Ang pisaang iyon ay ang parusa ng Dios. 20Pinisa ang mga ubas sa labas ng lungsod, at umagos mula sa pisaan ang dugo na bumaha ng hanggang 300 kilometro ang layo at isang dipa ang lalim.
Copyright information for
TglASD