Psalms 10
Panalangin upang Tulungan
1 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
2Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
3Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
Pinupuri nila ang mga sakim,
ngunit kinukutya ang Panginoon.
4Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
binabalewala nila ang Dios,
at ayaw nila siyang lapitan.
5Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
6Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
7Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
8Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
9Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
hanggang sa hindi na makabangon.
11Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.
12Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.
16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Copyright information for
TglASD