‏ Psalms 107

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

1Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

4May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.

10May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.

17May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila.
20Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.

23May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.

33Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.

42Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.

43Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Copyright information for TglASD