‏ Proverbs 9

Ang Karunungan at ang Kamangmangan

1Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. 2Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. 3At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: 4“Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. 5Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. 6Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”

7Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. 8Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. 9Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.

10Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. 11Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.

13Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17“Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.

Copyright information for TglASD