‏ Proverbs 28

1Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit ang matuwid ay matapang tulad ng leon.
2Kapag ang isang bansa ay makasalanan, madalas nilang palitan ang kanilang pinuno. Ngunit kung may karunungan at pang-unawa ang kanilang pinuno, matatag ang kalagayan ng kanilang bayan.
3Ang taong mahirap na ginigipit ang kapwa mahirap ay tulad ng malakas na ulan na sumisira sa pananim.
4Pinupuri ng masama ang mga taong lumalabag sa utos, ngunit ang sumusunod dito, kinakalaban ang masama.
5Hindi maintindihan ng masasama ang katarungan, ngunit lubos itong nauunawaan ng mga lumalapit sa Panginoon.
6Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa mayaman na namumuhay sa kasalanan.
7Ang matalinong anak ay sumusunod sa mga Kautusan, ngunit ang anak na bumabarkada sa mga pasaway,
pasaway: o, palakain.
mga magulang ang pinapahiya.
8Kung yumaman ka sa pamamagitan ng patubuan, ang iyong kayamanan ay mapupunta sa matulungin sa mga nangangailangan.
9Ang taong hindi sumusunod sa Kautusan, kahit panalangin niya ay kasusuklaman ng Dios.
10Ang taong inililigaw ang matuwid para magkasala ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana. Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid ay tatanggap ng maraming kabutihan.
11Iniisip ng mayayaman na napakarunong na nila, ngunit alam ng taong mahirap na may pang-unawa kung anong klaseng tao talaga sila.
12Kapag matuwid ang namumuno nagdiriwang ang mga tao, ngunit kapag ang pumalit ay masama, mga taoʼy nagtatago.
13Hindi ka uunlad kung hindi mo ipapahayag ang iyong mga kasalanan, ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan, kahahabagan ka ng Dios.
14Mapalad ang taong laging may paggalang sa Panginoon, ngunit mapapahamak ang taong matigas ang ulo.
15 Panganib sa mahihirap ang masamang pinuno gaya ng mabangis na leon at osong naghahanap ng mabibiktima.
16Ang pinunong walang pang-unawa ay lubhang malupit.
Hahaba naman ang buhay ng pinuno na sa kasakiman ay galit.
17Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa ay tatakas kahit saan hanggang sa siya ay mamatay. Huwag ninyo siyang tulungan.
18Ang taong namumuhay nang matuwid ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang taong namumuhay sa maling pamamaraan ay bigla na lamang mapapahamak.
19Ang masipag na magsasaka ay sasagana sa pagkain, ngunit maghihirap ang taong nag-aaksaya ng oras niya.
20Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala, ngunit ang taong nagmamadaling yumaman ay parurusahan.
21Hindi mabuti ang may kinikilingan, ngunit may mga gumagawa nito dahil sa kaunting suhol.
22Nagmamadaling yumaman ang taong sa pera ay gahaman, ngunit ang hindi niya alam patungo pala siya sa kahirapan.
23Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli kapag sinaway mo siya ng tapat kaysa panay ang papuri mo sa kanya kahit hindi nararapat.
24Ang taong nagnanakaw sa magulang at sasabihing hindi iyon kasalanan ay kasamahan ng mga kriminal.
25Ang taong sakim ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay magtatamo ng kasaganaan.
26Hangal ang taong nagtitiwala sa kanyang sariling kakayahan. Ang taong namumuhay na may karunungan ay ligtas sa kapahamakan.
27Ang taong mapagbigay sa mahihirap ay hindi kukulangin, ngunit ang nagbubulag-bulagan ay makakatanggap ng mga sumpa.
28Kapag masama ang mga pinuno, mga tao ay nagtatago. Ngunit kapag namatay sila, ang matutuwid ang mamumuno.
Copyright information for TglASD