‏ Numbers 9

1Nang unang buwan ng ikalawang taon, mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 2“Ipagdiriwang ng mga Israelita ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa nakatakdang panahon. 3Simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng buwang ito, kailangang sundin ninyo ang lahat ng tuntunin tungkol sa pistang ito.”

4Kaya sinabihan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel, 5at sinunod nila ito roon sa disyerto ng Sinai nang lumubog ang araw nang ika-14 na araw ng unang buwan. Ginawa ito ng lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

6Pero may iba sa kanila na hindi nakapagdiwang ng Pistang ito dahil nang araw na iyon, itinuturing silang marumi dahil nakahipo sila ng patay. Kaya nang mismong araw na iyon, pumunta sila kina Moises at Aaron 7at sinabi nila, “Naging marumi kami dahil nakahipo kami ng patay, pero bakit ba hindi kami pinapayagan sa pagdiriwang ng pistang ito at sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon kasama ng ibang mga Israelita sa naitakdang panahon?” 8Sumagot si Moises sa kanila, “Maghintay muna kayo hanggang sa malaman ko kung ano ang iuutos ng Panginoon sa akin tungkol sa inyo.”

9Sinabi ng Panginoon kay Moises, 10“Sabihin mo sa mga Israelita na kahit sino sa kanila o sa kanilang mga lahi na naging marumi dahil sa paghipo ng patay o dahil bumiyahe siya sa malayo, makakapagdiwang pa rin siya ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 11Ipagdiriwang nila ito pagkalipas ng isang buwan, simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Kakain sila ng tupa kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapait na halaman. 12Kailangang wala silang iiwanang pagkain kinaumagahan, at hindi rin nila babaliin ang mga buto ng tupa. Kung magdiriwang sila ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang sundin ang lahat ng mga tuntunin tungkol dito.

13“Pero ang tao na hindi nagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit na itinuturing pa siyang malinis at hindi bumiyahe sa malayo, ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan, dahil hindi siya nag-alay ng handog para sa Panginoon sa nakatakdang panahon. Magdurusa siya sa kanyang kasalanan.

14“Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang ipagdiwang niya ito ayon sa lahat ng mga tuntunin nito. Magkapareho lang ang mga tuntunin para sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan.”

Ang Ulap sa Toldang Tipanan

(Exo. 40:34-38)

15Nang araw na ipinatayo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, natakpan ito ng ulap. Ang ulap na ito ay nagliliwanag na parang apoy mula gabi hanggang umaga. 16Ganito palagi ang nangyayari – ang ulap ay bumabalot sa Toldang Tipanan kung araw at nagliliwanag naman ito na parang apoy kung gabi. 17Kapag pumapaitaas na ang ulap, umaalis na rin ang mga Israelita at nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay, at kung saan tumitigil ang ulap, doon sila nagkakampo. 18Kaya naglalakbay at nagkakampo ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. Hindi sila naglalakbay habang nasa ibabaw pa ng Tolda ang ulap. 19Kahit magtagal ang ulap sa ibabaw ng Tolda, naghihintay lang sila sa utos ng Panginoon at hindi sila umaalis. 20Kung minsan, mga ilang araw lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda, kaya nananatili rin doon ang mga tao ng ilang araw. Pagkatapos, aalis ulit sila ayon sa utos ng Panginoon. 21Kung minsan namaʼy nananatili lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng isang gabi at pumapaitaas na ito kinaumagahan, at nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Araw man o gabi, naglalakbay ang mga Israelita sa tuwing pumapaitaas ang ulap. 22Kung nananatili ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng dalawang araw o isang buwan o isang taon, ganoon din katagal nananatili ang mga Israelita sa kanilang kampo. 23Kaya nagkakampo at naglalakbay ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. At sinunod nila ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Copyright information for TglASD