Numbers 36
Ang mga Babaeng Anak ni Zelofehad na Nakatanggap ng Lupain
1Pumunta kay Moises at sa mga pinuno ng Israel ang pamilya ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase, na anak ni Jose, 2at sinabi, “Ginoo, nang nag-utos sa inyo ang Panginoon na hatiin ang lupa bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan; nag-utos din siya na ibigay ang bahagi ng aming kapatid na si Zelofehad sa mga anak niyang babae. 3Pero halimbawang nag-asawa po sila galing sa ibang lahi at dahil ditoʼy napunta ang kanilang lupain sa lahi ng kanilang napangasawa, hindi baʼt mapupunta na ang bahagi ng aming lahi sa iba? 4Pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang kanilang lupa ay mapupunta sa lahi kung saan sila nakapag-asawa, at mawawala na ito sa lahi ng aming mga ninuno.”5Kaya ayon sa utos ng Panginoon, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng angkan ng mga salinlahi ni Jose. 6Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad: Malaya silang makakapag-asawa sa kung sinong kanilang magugustuhan basta manggagaling lang sa lahi nila. 7Ang lupang mamanahin ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana sa kanilang mga ninuno. 8Ang lahat ng babaeng nakamana ng lupa sa kahit saang lahi ay kailangang mag-asawa ng mula sa kanilang lahi para hindi mawala sa bawat Israelita ang lupang namana niya sa kanyang mga ninuno. 9Ang lupang namana ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi, dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana.”
10Kaya sinunod ng mga anak na babae ni Zelofehad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 11Ang mga anak na babae ni Zelofehad ay sina Mahlah, Tirza, Hogla, Milca, at Noe. At ang kanilang napangasawa ay ang kanilang mga pinsan sa ama, 12na mga lahi ni Manase na anak ni Jose. Kaya ang lupain na kanilang namana ay nanatili sa sambahayan at angkan ng kanilang ama.
13Ganito ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises habang naroon sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
Copyright information for
TglASD