Numbers 3
Ang mga Levita
1Ito ang tala tungkol sa mga angkan nina Aaron at Moises nang panahong nakipag-usap ang Panginoon kay Moises doon sa Bundok ng Sinai.2Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Si Nadab ang panganay. 3Pinili sila at inordinahan para sa paglilingkod bilang mga pari. 4Pero sina Nadab at Abihu ay namatay sa presensya ng Panginoon nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa paghahandog sa Panginoon doon sa disyerto ng Sinai. Namatay silang walang anak, kaya sina Eleazar at Itamar lang ang naglingkod bilang mga pari habang nabubuhay pa si Aaron.
5Sinabi ng Panginoon kay Moises, 6“Ipatawag ang lahi ni Levi at dalhin sila sa paring si Aaron para tumulong sa kanya. 7Maglilingkod sila kay Aaron at sa mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawain sa Toldang Sambahan, na tinatawag din na Toldang Tipanan. 8Sila rin ang mangangalaga ng lahat ng kagamitan ng Toldang Tipanan, at maglilingkod sa Toldang iyon para sa mga Israelita. 9Itatalaga ang mga Levita para tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. 10Si Aaron at ang mga anak niya ang piliin mo na maglilingkod bilang mga pari. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.”
11Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12“Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Akin ang bawat Levita, 13dahil akin ang bawat panganay. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel, tao man o hayop. Kaya akin sila. Ako ang Panginoon.”
14Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 15“Bilangin mo ang mga lalaking Levita mula sa edad na isang buwan pataas, ayon sa kanilang pamilya.” 16Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
17Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 19Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.
Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.
21Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei. 22Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500. 23Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa likod ng Toldang Sambahan, sa bandang kanluran. 24Ang kanilang pinuno ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga kagamitang ito sa Toldang Tipanan: Ang mga pantaklob, ang kurtina ng pintuan ng Tolda, 26ang mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda at sa altar, pati ang kurtina ng pintuan ng bakuran, at ang mga tali. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.
27Ang mga angkan ni Kohat ay ang mga pamilya na nanggaling kina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 28Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 8,600. Binigyan sila ng responsibilidad na asikasuhin ang Toldang Tipanan. 29Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa bandang timog ng Toldang Sambahan. 30At ang pinuno nila ay si Elizafan na anak ni Uziel. 31Sila ang responsable sa pag-aasikaso ng Kahon ng Kasunduan, ang mesa ang lalagyan ng ilaw, ang altar, ang mga kagamitang ginagamit ng mga pari sa kanilang paglilingkod at ang kurtina. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 32Ang pinuno ng mga Levita ay si Eleazar na anak ng paring si Aaron. Siya ang pinili na mamahala sa mga binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng Tolda.
33Ang mga angkan ni Merari ay ang mga pamilya na nanggaling kina Mahli at Mushi. 34Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 6,200. 35Ang kanilang pinuno ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nasa bandang hilaga ng Toldang Sambahan ang lugar na kanilang pinagkakampuhan. 36Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga balangkas ng Tolda, ng mga biga nito, ng mga haligi at mga pundasyon. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 37Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali.
38Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.
39Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.
40Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas. 41Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”
42– 43Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.
44Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 45“Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon. 46At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila. 47Ang ibabayad sa pagtubos sa bawat isa sa kanila ay limang pirasong pilak ayon sa timbang ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 48Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang sobrang pera na itinubos sa mga panganay.”
49Kaya kinolekta ni Moises ang pera na ipinangtubos sa mga panganay na anak ng mga Israelita na sobra sa bilang ng mga Levita. 50Ang kanyang nakolekta ay 1,365 pirasong pilak, ayon sa timbang ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 51At ibinigay niya ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
Copyright information for
TglASD