‏ Numbers 29

Ang mga Handog sa Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta

(Lev. 23:23-25)

1“Sa unang araw ng ikapitong buwan, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Sa araw na iyon ay patunugin ninyo ang mga trumpeta. 2Pagkatapos, mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 3Sa paghahandog ninyo ng mga ito, samahan ninyo ito ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ang ihalo ninyo – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo para sa lalaking tupa 4at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 5Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. 6Ihandog ninyo ito bukod pa sa buwanan at pang-araw-araw na mga handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at mga handog na inumin. Mga handog ito na sinusunog, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon.

Mga Handog sa Araw ng Pagtubos

(Lev. 23:26-32)

7“Sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan, magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Kailangang mag-ayuno kayo at huwag na huwag kayong magtatrabaho. 8Pagkatapos, mag-alay kayo ng handog na sinusunog, na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 9Sa paghahandog ninyo, samahan ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang isama ninyo ay magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 10at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 11Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod sa isa pang handog sa paglilinis para sa kapatawaran ng inyong kasalanan at sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at sa handog na inumin.

Ang mga Handog sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol

(Lev. 23:33-34)

12“Sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Magdiwang kayo ng pista para sa Panginoon sa loob ng pitong araw. 13Mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. Sa unang araw, ito ang inyong ihandog: 13 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 14Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Haluan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 15at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 16Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

17“Sa ikalawang araw, ito ang inyong ihandog: 12 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 18Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 19Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

20“Sa ikatlong araw, maghandog kayo ng 11 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 21Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 22Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

23“Sa ikaapat na araw, ito ang inyong ihandog: sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 24Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 25Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

26“Sa ikalimang araw, ito ang inyong ihandog: siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 27Sa paghahandog ninyo nito, samahan nʼyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 28Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

29“Sa ikaanim na araw, ito ang inyong ihandog: walong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 30Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 31Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

32“Sa ikapitong araw, ito ang inyong ihandog: pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 33Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 34Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

35“Sa ikawalong araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sa pagsamba sa Panginoon. 36Mag-alay kayo ng handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 37Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 38Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

39“Bukod pa sa mga handog para sa pagtupad ng inyong panata at mga handog na kusang-loob, maghandog din kayo sa Panginoon sa nakatakdang mga pista ng mga handog na ito, mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at mga handog para sa mabuting relasyon.”

40Sinabing lahat ito ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

Copyright information for TglASD