Nehemiah 9
Ipinahayag ng mga Israelita ang Kanilang mga Kasalanan
1Nang ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita para mag-ayuno. Nagdamit sila ng sako at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo. ▼▼Nagdamit … ulo: Upang ipakita ang kanilang pagsisisi.
2Hindi nila isinama sa pag-aayuno ang mga dayuhan. Tumayo sila at ipinahayag ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. 3Nakatayo sila sa loob ng tatlong oras habang binabasa sa kanila ang Kautusan ng Panginoon na kanilang Dios. At sa loob din ng tatlong oras, ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sumamba sa Panginoon na kanilang Dios. 4Ang ibang mga Levita ay nakatayo sa hagdanan, at malakas na nananalangin sa Panginoon na kanilang Dios. Sila ay sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Shebania, Buni, Sherebia, Bani, at Kenani. 5At ang mga Levita na tumawag sa mga tao para sumamba ay sina: Jeshua, Kadmiel, Bani, Hashabneya, Sherebia, Hodia, Shebania, at Petahia. Sabi nila, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon na inyong Dios na walang hanggan!” ▼▼na walang hanggan: o, na nabubuhay mula noon magpakailanman.
Pagkatapos, sinabi nila, “O Panginoon, kapuri-puri po ang inyong pagiging makapangyarihan! Hindi ito mapapantayan ng aming pagpupuri. 6Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang kalangitan, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.
7“Kayo ang Panginoong Dios na pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur, na sakop ng mga Caldeo. At pinangalanan nʼyo siyang Abraham. 8Nakita nʼyong tapat siya sa inyo, at gumawa kayo ng kasunduan sa kanya na ibibigay nʼyo sa mga lahi niya ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at ng mga Gergaseo. At tinupad po ninyo ang pangako nʼyo, dahil matuwid kayo.
9“Nakita nʼyo po ang pagtitiis ng aming mga ninuno sa Egipto. Narinig nʼyo ang paghingi nila ng tulong sa inyo noong naroon sila sa Dagat na Pula. 10Gumawa kayo ng mga himala at kamangha-manghang bagay laban sa Faraon, at sa lahat ng mga opisyal niya at tauhan, dahil nalalaman nʼyo kung paano nila inapi ang aming mga ninuno. At ang inyong pangalan ay tanyag hanggang ngayon. 11Sa harap ng inyong mga mamamayan ay hinati ninyo ang dagat at sa gitna nitoʼy dumaan sila sa tuyong lupa. Ngunit nilunod nʼyo ang mga kalaban nilang humahabol sa kanila. Para silang bato na lumubog sa nagngangalit na dagat. 12Sa araw, ginagabayan nʼyo ang inyong mga mamamayan sa pamamagitan ng ulap na parang haligi, at sa gabiʼy sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, para bigyan sila ng liwanag sa kanilang nilalakaran.
13“Bumaba kayo sa Bundok ng Sinai mula sa langit at nakipag-usap kayo sa kanila. Binigyan nʼyo sila ng mga tamang katuruan, mabubuting utos at ng mga tuntunin. 14Itinuro nʼyo sa kanila ang tungkol sa dapat nilang gawin sa Araw ng Pamamahinga. At inutusan nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises, na tuparin ang mga utos nʼyo, mga tuntunin, at mga katuruan. 15Nang magutom sila, binigyan nʼyo sila ng pagkain mula sa langit, at nang mauhaw ay pinainom nʼyo ng tubig mula sa bato. Sinabihan nʼyo silang pasukin at angkinin ang lupaing pangako na ibinigay ninyo sa kanila. 16Ngunit sila na aming mga ninuno ay naging mapagmataas, matigas ang ulo, at masuwayin sa inyong mga utos. 17Ayaw nilang makinig sa mga sinasabi nʼyo, at kinalimutan lang ang mga himalang ginawa ninyo sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo, at sumalungat sila sa inyong pamamaraan sa pamamagitan ng pagpili ng pinuno na magdadala sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit kayo ay mapagpatawad na Dios, mahabagin, maalalahanin, hindi madaling magalit, at mapagmahal. Kaya hindi nʼyo po sila pinabayaan, 18kahit gumawa sila ng imaheng baka, at nagsabi, ‘Ito ang dios nating nagpalaya at nagpalabas sa atin sa Egipto.’ Lubos ang paglapastangan nila sa inyo! 19Ngunit dahil sa dakilang habag ninyo sa kanila, hindi nʼyo po sila pinabayaan sa ilang. Hindi nʼyo kinuha ang makapal na ulap na gumagabay sa kanila kapag araw, at ang naglalagablab na apoy na nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila kapag gabi. 20Ibinigay nʼyo po ang mabuting Espiritu ninyo sa pagtuturo sa kanila. Patuloy nʼyo silang pinakain ng ‘manna,’ at binigyan ng tubig kapag nauuhaw sila. 21Ibinibigay nʼyo po sa kanila ang mga pangangailangan nila sa loob ng 40 taon sa ilang, kaya hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila at hindi rin namaga ang mga paa nila sa paglalakad.
22“Pinagtagumpay nʼyo sila laban sa mga kaharian, mga bansa, at ang mga lupain sa paligid nila. Sinakop nila ang lupain ng Heshbon na pinamamahalaan ni Haring Sihon, at ang lupain ng Bashan na pinamamahalaan ni Haring Og. 23Pinarami nʼyo ang kanilang mga lahi, katulad ng mga bituin sa langit. Dinala nʼyo sila sa lupaing ipinangako nʼyo sa kanilang mga ninuno para pasukin at angkinin. 24Talagang pinasok nila ito at inangkin. Pinagtagumpay nʼyo po sila laban sa mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon. Ipinaubaya nʼyo sa kanila ang mga Cananeo pati ang mga hari nila para magawa ng inyong mga mamamayan ang gusto nilang gawin sa mga ito. 25Sinakop po ng mga mamamayan ninyo ang mga napapaderang lungsod at ang matatabang lupain. Inangkin din po nila ang mga bahay na punong-puno ng magagandang bagay, mga balon, mga ubasan, mga taniman ng olibo at napakarami pang ibang punongkahoy na namumunga. Kumain sila hanggang sa mabusog sila at naging malusog ang kanilang katawan. Nagalak sila sa napakabuting ginawa ninyo sa kanila.
26“Pero sa kabila ng lahat, sumuway at lumabag po sila sa inyo. Tinalikuran nila ang inyong Kautusan, pinatay nila ang inyong mga propeta na nanghikayat sa kanilang magbalik sa inyo. Labis ang paglapastangan nila sa inyo! 27Kaya ipinaubaya nʼyo po sila sa kanilang mga kalaban na nagpahirap sa kanila. Pero nang nahihirapan na sila, humingi sila ng tulong sa inyo at pinakinggan nʼyo pa rin sila riyan sa langit. At sa laki ng inyong habag, binigyan nʼyo sila ng mga pinuno na magliligtas sa kanila sa kamay ng kanilang kalaban.
28“Pero kapag mabuti na ang kalagayan nila, gumagawa na naman sila ng masama sa inyong harapan. At ipapaubaya nʼyo sila sa kamay ng mga kalaban nila para pamunuan sila. At kapag nanalangin na naman sila para humingi ng tulong nʼyo, pinapakinggan nʼyo sila riyan sa langit. At sa inyong habag, palagi nʼyo silang inililigtas. 29Pinaalalahanan nʼyo po sila na tumupad muli sa inyong Kautusan, pero naging mapagmataas sila at hindi nila tinupad ang inyong mga utos. Nagkasala sila laban sa inyong mga utos na nagbibigay ng totoong buhay sa tumutupad nito. Sa katigasan ng kanilang mga ulo tumalikod sila sa inyo, at ayaw nilang makinig sa inyo. 30Sa napakaraming taon, tiniis ninyo sila at pinaalalahanan ng Espiritu ninyo sa pamamagitan ng mga propeta. Pero hindi nila ito pinansin, kaya ipinaubaya nʼyo sila sa mga mamamayang nasa paligid nila. 31Ngunit dahil sa laki ng inyong habag, hindi nʼyo sila pinabayaan o lubos na ipinahamak, dahil mahabagin at maalalahanin kayo, O Dios.
32“Kayo na aming Dios ay makapangyarihan at tunay na kamangha-mangha. Tinutupad po ninyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ang inyong pag-ibig. Ngayon, huwag po ninyong balewalain ang aming mga pagtitiis. Nagtiis kaming lahat na inyong mamamayan, pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at mga ninuno, mula pa ng panahong pinahirapan kami ng mga hari ng Asiria hanggang ngayon. 33Matuwid ang ginawa nʼyong paghatol sa amin. Matapat kayo sa amin, pero kami ay mga makasalanan. 34Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at mga ninuno ay hindi tumupad sa inyong Kautusan. Hindi pinansin ang inyong mga utos at mga babala. 35Kahit mayroon silang sariling kaharian, at nakakaranas ng labis ninyong kabutihan, at kahit binigyan nʼyo sila ng malawak at matabang lupain, hindi pa rin sila naglingkod sa inyo at hindi tumalikod sa masama nilang pag-uugali. 36Ito po ang dahilan kaya kamiʼy mga alipin ngayon sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno, kung saan makakakain sila ng mga ani nito at ng iba pang mabubuting produkto nito. 37Ang masaganang ani ng mga lupain ay napupunta sa mga hari na pinaghari nʼyo sa amin dahil sa aming mga kasalanan. Ginagawa nila ang gusto nilang gawin sa amin at sa mga alaga naming hayop, at sobra-sobra ang aming pagtitiis.”
Gumawa ng Kasunduan ang mga Tao
38“Dahil dito, kami pong mga Judio ay gumawa ng isang matibay na kasunduan. Isinulat ito at pinirmahan ng aming mga pinuno, mga pari, at mga Levita.”
Copyright information for
TglASD