Nehemiah 6
Ang Patuloy na Paghadlang ng Pagpapatayo ng Pader
1Samantala, nabalitaan nina Sanbalat, Tobia, Geshem na taga-Arabia, at ng iba pa naming mga kalaban na natapos na namin ang pagpapatayo ng pader at wala na itong mga butas, maliban na lamang sa mga pinto nito na hindi pa naikakabit. 2Kaya nagpadala sina Sanbalat at Geshem ng ganitong mensahe sa akin: “Gusto naming makipagkita sa iyo sa isang nayon ng kapatagan ng Ono.”Ngunit nalaman ko na may balak silang masama sa akin. 3Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin ito sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan.” 4Apat na beses nila akong pinadalhan ng ganoong mensahe at apat na beses ko rin silang pinadalhan ng parehong sagot.
5Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na. 6At ito ang nakasulat: “Ipinagtapat sa akin ni Geshem ▼
▼Geshem: o, Gashmu.
na kahit saan siya pumunta ay naririnig niyang ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak mag-alsa, at iyan ang dahilan kung bakit muli ninyong ipinapatayo ang pader. At ayon sa narinig niya, gusto mong maging hari ng mga Judio, 7at pumili ka pa ng mga propeta na magpoproklama sa iyo sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na malalaman ito ng hari, kaya pumarito ka para pag-usapan natin ang mga bagay na ito.” 8Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.” 9Alam kong tinatakot lang nila kami para mahinto ang paggawa namin. Pero nanalangin ako sa Dios na palakasin pa niya ako.
10Isang araw, pumunta ako kay Shemaya na anak ni Delaya at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng templo ng Dios, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi para patayin ka.” 11Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng templo para iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!” 12Naisip kong hindi nangusap ang Dios sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobia para sabihin iyon sa akin. 13Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Shemaya, para hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.
14 Kaya nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalimutan na parusahan si Tobia at si Sanbalat sa kanilang masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghahangad na takutin ako.”
Natapos ang Pagpapatayo ng Pader
15Natapos ang pader noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, na siyang buwan ng Elul. Natapos ito sa loob ng 52 araw. 16Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Dios.17Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobia at ang mga pinuno ng Juda. 18Maraming taga-Juda ang sumumpa ng katapatan kay Tobia dahil manugang siya ni Shecania na anak ni Ara. At isa pa, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak ni Meshulam na anak ni Berekia. 19Palaging sinasabi sa akin ng mga tao ang tungkol sa mabubuting ginawa ni Tobia, at palagi ring nakakarating sa kanya ang mga sinasabi ko. At patuloy na sumusulat si Tobia sa akin para takutin ako.
Copyright information for
TglASD