Nehemiah 1
1Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem
Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. 2Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag ▼▼na nagsibalik mula sa pagkakabihag: o, na nakaligtas sa pagkakabihag.
sa Babilonia. 3Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.” 4Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. 5Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. 6Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. 7Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.
8“Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. 9Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’
10“Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”
Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.
Copyright information for
TglASD