‏ Nahum 3

Kahabag-habag ang Nineve

1Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. 2Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. 3Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. 4Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.

5Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6 7Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”

8Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. 9Ang Etiopia
Etiopia: sa Hebreo, Cush.
at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya.
10Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.

14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.

Dumami kayo na parang balang!
16Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.

Copyright information for TglASD