‏ Micah 2

Parurusahan ng Panginoon ang Gumigipit sa mga Dukha

1Nakakaawa kayong nagpupuyat sa pagpaplano ng masama. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong planong masama dahil may kakayahan kayong gawin iyon. 2Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao para makuha ninyo ang kanilang bahay o lupaing minana. 3Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. 4Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na kasabihan: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng Panginoon ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ”

5Kaya wala na kayong angkan na magmamana ng inyong bahagi sa oras na hatiin ng sambayanan ng Panginoon ang lupain na ibabalik sa kanila. 6Ngayon, pinapangaralan pa ninyo kami. Sinasabi ninyo, “Huwag na ninyo kaming pangaralan tungkol sa kapahamakang iyon, dahil hinding-hindi kami mapapahiya. 7Bakit, isinusumpa na ba ng Panginoon ang lahi ni Jacob? Ubos na ba ang kanyang pasensya? Gawain ba niya ang pumuksa?”

Ito ang sagot ng Panginoon, “Kung ginagawa lang sana ninyo ang mabuti, matatanggap ninyo ang aking mga pangako.
8Pero nilulusob ninyo ang aking mahihirap na mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, pero iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. 9Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapala na ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. 10Kaya ngayon, umalis na kayo rito sa Israel dahil ang lugar na ito ay hindi na makapagbibigay sa inyo ng kapahingahan, sapagkat dinungisan ninyo ito ng inyong mga kasalanan. Masisira ang lugar na ito at hindi na mapapakinabangan.
Masisira … mapapakinabangan: o, Mapapahamak kayong lahat.
11Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”

Ang Ipinangakong Kalayaan sa mga Taga-Israel at Taga-Juda

12 Sinabi ng Panginoon, “Kayong natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda,
Israel at Juda: sa Hebreo, Jacob at Israel.
titipunin ko kayo gaya ng mga tupa sa kulungan o kawan ng mga hayop sa pastulan. Mapupuno ng mga tao ang inyong lupain.
13Bubuksan ko ang pinto ng lungsod na bumihag sa inyo, at pangungunahan ko kayo sa inyong paglabas. Ako, ang Panginoon na inyong hari, ang mangunguna sa inyo.”

Copyright information for TglASD