‏ Matthew 20

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

1 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. 2Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. 3Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. 4Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ 5Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. 6Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ 7Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’

8“Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ 9Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan

(Mar. 10:32-34; Luc. 18:31-34)

17Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18“Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan

(Mar. 10:35-45)

20Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”
Kaya ba … titiisin ko: sa literal, Maiinom ba ninyo ang kopa na iinumin ko?
Sumagot sila, “Opo, kaya namin.”
23Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

24Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag

(Mar. 10:46-52; Luc. 18:35-43)

29Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,
Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David.
maawa po kayo sa amin!”
31Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.

Copyright information for TglASD