‏ Mark 3

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay

(Mat. 12:9-14; Luc. 6:6-11)

1Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. 2Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” 4Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. 5Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Sinundan ng Maraming Tao si Jesus sa Tabi ng Lawa

7Pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, 8Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabila ng Ilog ng Jordan, at sa palibot ng Tyre at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga ginagawa niya. 9Dahil sa dami ng tao, nagpahanda ng isang bangka si Jesus sa mga tagasunod niya, para may masakyan siya kung sakaling magsiksikan sa kanya ang mga tao. 10Maraming pinagaling si Jesus, kaya dinumog siya ng lahat ng may sakit para mahawakan man lang siya. 11Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!” 12Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.

Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol

(Mat. 10:1-4; Luc. 6:12-16)

13Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya. 14Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral. 15Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 16[Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro, 17sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog), 18si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan
makabayan: Si Simon ay naging kabilang sa grupo ng mga Judiong lumalaban sa mga taga-Roma.
19at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.

Si Jesus at si Satanas

(Mat. 12:22-32; Luc. 11:14-23; 12:10)

20Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.

22May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas
Satanas: sa Griego, Beelzebul.
na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
23Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.

27“Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.
Ang ibig sabihin ni Jesus, nilupig na niya si Satanas at kaya na niyang palayasin ang mga sakop nito.


28“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

(Mat. 12:46-50; Luc. 8:19-21)

31Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Copyright information for TglASD