‏ Mark 16

Muling Nabuhay si Jesus

(Mat. 28:1-8; Luc. 24:1-12; Juan 20:1-10)

1Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. 2Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. 3Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, 4dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. 5Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. 6Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” 7Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.” 8Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.

9[Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Jesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. (Siya ang babaeng may pitong masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus.) 10Pinuntahan ni Maria ang mga tagasunod ni Jesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita ang mga pangyayari. 11Pero hindi sila naniwala sa ibinalita niyang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. 12Pagkatapos noon, nagpakita rin si Jesus sa dalawa pa niyang tagasunod na naglalakad patungo sa bukid, pero iba ang kanyang anyo. 13Kaya bumalik sa Jerusalem ang dalawang tagasunod, at sinabi sa iba nilang kasamahan na nagpakita sa kanila si Jesus. Pero hindi rin naniwala ang mga ito.

14Nang bandang huli, nagpakita rin si Jesus sa 11 apostol niya habang kumakain ang mga ito. Pinagsabihan niya ang mga ito dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at sa katigasan ng kanilang puso, dahil hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya matapos na muli siyang mabuhay. 15Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16Ang lahat ng sasampalataya at magpapabautismo ay maliligtas, ngunit ang hindi sasampalataya ay parurusahan. 17At ito ang mga palatandaang makikita sa mga taong sumasampalataya sa akin: sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,
sa pamamagitan ng aking kapangyarihan: sa literal, sa aking pangalan.
magpapalayas sila ng masasamang espiritu; magsasalita sila sa ibang mga wika;
18kung dumampot man sila ng mga ahas o makainom ng anumang lason ay hindi sila mapapahamak; at gagaling ang mga may sakit na papatungan nila ng kanilang mga kamay.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

(Luc. 24:50-53; Mga Gawa 1:9-11)

19Pagkatapos magsalita ni Jesus sa kanila, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Dios. 20Pumunta naman ang mga tagasunod niya sa ibaʼt ibang lugar at nangaral. Tinulungan sila ng Panginoon at pinatunayan niya ang ipinangangaral nila sa pamamagitan ng mga himala na kanilang ginagawa.]

Copyright information for TglASD