Mark 5
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu
(Mat. 8:28-34; Luc. 8:26-39)
1Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. ▼▼Geraseno: Sa ibang tekstong Griego, Gergeseno o, Gadareno.
2Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato. 6Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7– 8Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” 9Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis, ▼
▼Decapolis: o, Sampung Bayan.
ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari. Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo
(Mat. 9:18-26; Luc. 8:40-56)
21Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ▼▼pinagaling: o, iniligtas.
ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.” 35Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.
Copyright information for
TglASD