‏ Malachi 3

1Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”

2 3Pero sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis. Lilinisin niya ang mga paring Levita, tulad ng pagpapadalisay ng pilak at ginto, upang maging malinis ang kanilang buhay at maging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon.
upang … Panginoon: o, upang maghandog sila ng tamang mga handog sa Panginoon.
4Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.

5Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”

Ang Pagbibigay ng Ikapu

6Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. 7Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik
babalik: o, tutulong.
ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu
ikapu: Tungkulin ng mga Israelita na magbigay sa Panginoon ng ikapu ng kanilang mga ani at mga hayop (Lev. 27:30–33; Deu. 14:22-29).
at mga handog.
9Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan
padadalhan … ulan: sa literal, bubuksan ko ang mga bintana ng langit. Tingnan ang kahulugan nito sa Gen. 7:11.
at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala.
11Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12Tatawagin kayong mapalad
mapalad: o, pinagpala.
ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’ 14Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan? 15Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Dios, hindi sila pinarurusahan.’ ”

16Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan. Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala niya silang mga may takot at kumikilala sa kanya.

17Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Magiging akin sila sa araw ng paghatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang hindi nagpaparusa sa anak na masunurin. 18At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”

Copyright information for TglASD