Luke 23
Dinala si Jesus kay Pilato
(Mat. 27:1-2; 11:14; Mar. 15:1-5; Juan 18:28-38)
1Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato. 2At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!” 3Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” 4Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!” 5Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”Dinala naman si Jesus kay Herodes
6Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus. 7At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.8Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala. 9Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot. 10Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus. 11Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Jesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. 12At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato.
Hinatulan si Jesus ng Kamatayan
(Mat. 27:15-26; Mar. 15:6-15; Juan 18:39–19:16)
13Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, 14at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. 15Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. 16Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” 17[Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.] 18Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” 19(Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.) 20Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus. 21Pero patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!” 23Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. 24Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. 25At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Pero ibinigay niya si Jesus sa kanila para gawin ang gusto nila.Ipinako sa Krus si Jesus
(Mat. 27:32-44; Mar. 15:21-32; Juan 19:17-27)
26Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus.27Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. 28Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. 29Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ 30Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ▼
▼Hos. 10:8.
31Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan, ▼▼sa akin na walang kasalanan: sa literal, sa sariwang kahoy.
ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?” ▼▼sa mga taong may kasalanan: sa literal, sa tuyong kahoy.
32Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. 33Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. 34[Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus. 35Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!” 36Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, 37at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” 38May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” 40Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. 41Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” 42Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” 43Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Jesus
(Mat. 27:45-56; Mar. 15:33-41; Juan 19:28-30)
44– 45Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. 46Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” ▼▼Salmo 31:5.
At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga. 47Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Dios at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” 48Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari. Ang Paglilibing kay Jesus
(Mat. 27:57-61; Mar. 15:42-47; Juan 19:38-42)
50– 51May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios. 52Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. 54Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.55Sinundan si Jose ng mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.
Copyright information for
TglASD