Luke 8
Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus
1Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol 2at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala ▼▼Maria na taga-Magdala: Sa ibang salin ng Biblia, Maria Magdalena.
na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, 3si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila. Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik
(Mat. 13:1-9; Mar. 4:1-9)
4Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:5“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. 6May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. 7May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. 8Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.” ▼
▼nang napakarami: sa literal, isang daang ulit ang dami.
Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!” ▼▼Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan: sa literal, Ang may taingang nakakarinig ay dapat makinig.
Ang Layunin ng mga Talinghaga
(Mat. 13:10-17; Mar. 4:10-12)
9Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ” ▼▼Isa. 6:9.
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik
(Mat. 13:18-23; Mar. 4:13-20)
11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”Ang Aral Mula sa Ilaw
(Mar. 4:21-25)
16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. ▼▼Maaaring ang lihim na tinutukoy dito ay ang tungkol sa paghahari ng Dios na kailangang ihayag.
18“Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
(Mat. 12:46-50; Mar. 3:31-35)
19Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon
(Mat. 8:23-27; Mar. 4:35-41)
22Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro! ▼▼Guro: sa literal, Amo.
Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!” Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu
(Mat. 8:28-34; Mar. 5:1-20)
26Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno ▼▼Geraseno: Sa ibang tekstong Griego, Gergeseno o, Gadareno. Ganito rin sa talatang 37.
na katapat ng Galilea. 27Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod. 34Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37Nakiusap ang lahat ng Geraseno ▼
▼Geraseno: Tingnan ang footnote sa talatang 26.
kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39“Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus. Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo
(Mat. 9:18-26; Mar. 5:21-43)
40Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan ▼
▼laylayan: o, borlas; sa Ingles, tassel. Tingnan sa Bil. 15:37-39 at Deu. 22:12.
ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ▼▼pinagaling: o, iniligtas.
ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.” 49Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Copyright information for
TglASD