‏ Luke 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo

(Mat. 3:1-12; Mar. 1:1-8; Juan 1:19-28)

1 2Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. 3At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. 4Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,

Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
5Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
at patagin ang mga bundok at burol.
Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
at ayusin ang mga baku-bakong daan.
6At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”
Isa. 40:3-5.

7Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? 8Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 9Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”

15Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.
Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya: sa literal, Hindi man lang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.
Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy.
17Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

18Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.

Ang Pagbabautismo kay Jesus

(Mat. 3:13-17; Mar. 1:9-11)

21Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang mga Ninuno ni Jesus

(Mat. 1:1-17)

23Mga 30 taong gulang na si Jesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli. 24Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Melki, na anak ni Janai. Si Janai ay anak ni Jose, 25na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai. 26Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda, 27na anak ni Joanan. Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam, na anak ni Elmadam. Si Elmadam ay anak ni Er, 29na anak ni Josue. Si Josue ay anak ni Eliezer, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose, na anak ni Jonam. Si Jonam ay anak ni Eliakim, 31na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed. Si Obed ay anak ni Boaz, na anak ni Salmon. Si Salmon ay anak ni Nashon, 33na anak ni Aminadab. Si Aminadab ay anak ni Admin, na anak ni Arni. Si Arni ay anak ni Ezron, na anak ni Perez. Si Perez ay anak ni Juda, 34na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nahor. 35Si Nahor ay anak ni Serug, na anak ni Reu. Si Reu ay anak ni Peleg, na anak ni Eber. Si Eber ay anak ni Shela, 36na anak ni Cainan. Si Cainan ay anak ni Arfaxad, na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared, na anak ni Mahalalel. Si Mahalalel ay anak ni Cainan, na anak ni Enosh. 38Si Enosh ay anak ni Set, na anak ni Adan. At si Adan ay anak ng Dios.

Copyright information for TglASD