‏ Luke 19

Si Zaqueo

1Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. 2May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. 3Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. 4Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. 5Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” 6Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. 7Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” 8Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” 9Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”

Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin

(Mat. 25:14-30)

11Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’

14“Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’
inaani … itinanim: o, kinukuha ninyo ang kita ng iba.
22Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem

(Mat. 21:1-11; Mar. 11:1-11; Juan 12:12-19)

28Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.
Salmo 118:26.
Mayroon na tayong magandang relasyon
magandang relasyon: o, kapayapaan.
sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”

39Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”

Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem

41Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo

(Mat. 21:12-17; Mar. 11:15-19; Juan 2:13-22)

45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’
Isa. 56:7.
Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”
Jer. 7:11.


47Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.

Copyright information for TglASD