Leviticus 8
Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki
(Exo. 29:1-37)
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2– 3“Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”4Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 5Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. 6Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. 7Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit ▼
▼espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. 8Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”. ▼▼“Urim” at “Thummim”: Dalawang bagay na ginagamit para malaman ang kalooban ng Dios.
9At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 10Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20– 21Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26– 27Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis ▼
▼banal na langis: o, langis na pamahid.
at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Copyright information for
TglASD