‏ Leviticus 6

1Ito pa ang sinabi ng Panginoon kay Moises 2tungkol sa taong lumabag sa nais ng Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala, 3o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit. 4Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya, 5o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. 6Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 7Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alin mang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Sinusunog

8 9Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa mga tuntuning ito, tungkol sa handog na sinusunog.

Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay.
10Kinaumagahan, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang linen: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar. 11Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar. 12Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog para sa mabuting relasyon. 13Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pagpaparangal sa Panginoon

14Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal:

Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar.
15Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 16 17Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa Panginoon ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. 18Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.

19Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises 20tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.

Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon.
21Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. 22Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. 23Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.

Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Paglilinis sa Kasalanan

24Inutusan din ng Panginoon si Moises 25na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.

Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal.
26Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar. 27Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda. 28Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig. 29Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog. 30Pero kung ang dugo ng handog na itoʼy dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para gawing pantubos sa kasalanan ng tao, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Susunugin na lang ito.

Copyright information for TglASD