Leviticus 3
Handog para sa Mabuting Relasyon
1Kapag may naghahandog ng baka bilang handog para sa mabuting relasyon, kinakailangang ang ihahandog niya sa presensya ng Panginoon ay walang kapintasan. 2Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng baka na ihahandog niya at pagkatapos, papatayin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. 3Kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon. Kukunin niya ang lahat ng taba na nasa loob ng tiyan, at ang nasa lamang-loob, 4ang mga bato ▼▼mga bato: sa Ingles, “kidneys.”
at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 5Ang mga itoʼy susunugin ng mga pari sa altar kasama ng handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ▼▼handog … apoy: Tingnan ang “footnote” sa 1:9.
ay makalulugod sa Panginoon. 6Kung ang ihahandog niya para sa mabuting relasyon ay tupa o kambing, lalaki man o babae, kinakailangang itoʼy walang kapintasan. 7Kung maghahandog siya ng tupa sa Panginoon, 8ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. 9At mula sa handog na itoʼy kukuha ng bahagi na susunugin para sa Panginoon; ang mga taba, ang buntot na mataba na sagad sa gulugod ang pagkakaputol, ang lahat ng taba sa lamang-loob, 10ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 11Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. ▼
▼bilang handog na pagkain: Itinuturing ito na pagkain ng Dios. Tingnan sa 21:6, 8, 21. Ganito rin sa 3:16.
Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. 12Kung maghahandog siya ng kambing sa presensya ng Panginoon, 13ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. Iwiwisik ng paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa palibot ng altar. 14Pagkatapos, kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon mula sa handog na ito. Kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob, 15ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 16Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang lahat ng taba ay sa Panginoon.
17Huwag kayong kakain ng taba o dugo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ang susunod pa ninyong mga henerasyon.
Copyright information for
TglASD