‏ Leviticus 16

Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos

1 2Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”
Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.


3Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. 4Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.
panlabas na damit: katulad ng kapa ng pari.
5Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.

6Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya. 7Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 8At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.
Azazel: Marahil ay isa sa mga demonyo sa disyerto.
9Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis. 10Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ang mga Detalye ng Seremonyang Iyon

11Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya. 12Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar. 13Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay. 14Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro. 16Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda
Itoʼy … Tolda: o, Ito ang kanyang gagawin sa Tolda.
na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel.
17Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel, 18saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin. 19Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

29 30 31
The text of verses 29-Lev 16:31 has been merged.
Ito naman ang mga tuntuning dapat gawin ng mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama nila, at itoʼy dapat sundin magpakailanman. Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat silang mag-ayuno at huwag magtrabaho, katulad ng Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa kanilang mga kasalanan para silaʼy maging malinis sa presensya ng Panginoon.
32Sa mga susunod na salinlahi, ang paring napili at inordinahan upang pumalit sa kanyang ama bilang punong pari ang siyang gagawa ng seremonyang ito. Isusuot niya ang kanyang damit bilang punong pari, 33at gagawin niya ang seremonya ng paglilinis sa Pinakabanal na Lugar, ng iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, ng mga pari, at ng mga mamamayan ng Israel.

34Kinakailangang sundin nila ang mga tuntuning ito magpakailanman. At itoʼy gagawin nila minsan sa isang taon.

At ginawa ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Copyright information for TglASD