Judges 20
Naghanda ang Israel sa Pakikipaglaban
1Ang lahat ng Israelita mula Dan hanggang sa Beersheba at mula sa Gilead ay nagtipon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon. 2Naroon din ang pinuno ng bawat lahi ng Israel nang magtipon ang mga mamamayan ng Dios. May 400,000 silang lahat na sundalong armado ng espada. 3Nabalitaan ng mga taga-Benjamin na ang ibang mga lahi ng Israel ay nagtipon sa Mizpa.At ngayon nagtatanong ang mga Israelita, “Paano nangyari ang kasamaang ito?” 4Sinabi ng Levita na asawa ng babaeng pinatay, “Dumaan kami ng asawa ko sa Gibea na sakop ng Benjamin para doon magpalipas ng gabi. 5Kinagabihan, pinaligiran ng ilang lalaking taga-Gibea ang bahay na tinutuluyan namin. Papatayin sana nila ako, pero ginahasa nila ang asawa ko hanggang sa namatay ito. 6Kaya dinala ko pauwi ang bangkay niya at pinagputol-putol at ipinadala sa 12 lahi ng Israel, dahil napakasama at kahiya-hiya ang ginawa ng mga taong ito sa Israel. 7Lahat tayong mga Israelita, ano ngayon ang gagawin natin?” 8Nagkaisa ang mga tao na nagsabi, “Wala ni isa man sa atin ang uuwi. 9Ito ang gagawin natin. Magpalabunutan tayo kung sino sa atin ang lulusob sa Gibea. 10Ang ikasampung bahagi ng lahat ng lalaki sa bawat lahi ang mag-aasikaso sa pagkain ng mga sundalo. Ang natitira ang maghihiganti sa mga taga-Gibea dahil sa napakasamang ginawa nila sa Israel.” 11Kaya nagkaisa ang mga lalaki ng Israel sa paglusob sa Gibea.
12Nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin at sinabi, “Ano itong kasamaang nangyari sa inyo? 13Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.” Pero hindi pinansin ng mga taga-Benjamin ang mga kapwa nila Israelita. 14Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea para makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita. 15Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng 26,000 na sundalo hindi pa kasama rito ang 700 piling sundalo na taga-Gibea. 16Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang 700 tao na ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok. 17Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.
18 Bago makipaglaban, pumunta muna ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Dios kung aling lahi ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin. At ayon sa Panginoon, ang lahi ni Juda. 19Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea. 20At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumwesto na ang mga Israelita para makipaglaban sa lahi ni Benjamin. 21Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea para lusubin sila. At sa araw na iyon, 22,000 Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.
22– 23Umahon muli ang mga Israelita sa Betel at umiyak doon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, muli kayong makipaglaban.”
Kaya pinalakas nila ang kanilang loob at muli silang pumwesto sa dating lugar noong unang araw silang lumusob. 24At nang sumunod na araw, nilusob nila ang mga taga-Benjamin. 25Pero lumabas muli ang mga taga-Benjamin sa Gibea at sinalubong ang mga kapwa nila Israelita. At sa pagkakataong iyon, napatay na naman nila ang 18,000 Israelita na armado lahat ng espada.
26Kaya umahon muli ang lahat ng Israelita sa Betel at umiyak sa presensya ng Panginoon. Nag-ayuno sila hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 27– 28Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ng Dios ay nasa Betel, at ang namamahala rito ay si Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Nagtanong muli ang mga Israelita sa Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin o hindi na po?” Sumagot ang Panginoon, “Muli kayong makipaglaban, dahil bukas ay pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
29Kaya pinaligiran ng mga Israelita ang Gibea. 30Pumwesto muli sila sa lugar ding iyon. Ikatlong araw ito ng kanilang paglusob. 31Muli silang sinalubong ng mga taga-Benjamin na lumalabas mula sa lungsod. At katulad ng nangyari sa mga nakaraang araw, may napatay silang mga Israelita. May 30 Israelita ang namatay sa bukirin at sa mga daan papunta sa Betel at sa Gibea. 32Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita para dalhin sila papalayo ng lungsod.
33Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal Tamar, pumwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid ▼
▼paligid: o, kanluran.
ng Gibea ay nagsisilabasan. 3410,000 silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila. 35Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada. 36At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.Ang Detalye nang Pagtatagumpay ng mga Israelita
Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel para makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea. 37Habang humahabol ang mga taga-Benjamin, biglang nilusob ng mga taong ito ang Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon. 38Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea, 39babalik sila sa pakikipaglaban. Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng 30 Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita. 40At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod. 41Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila. 42Tumakas sila sa ilang, pero hinabol sila ng mga Israelitang lumalabas sa bayan. 43Pinaligiran sila ng mga Israelita at hindi tumigil ang mga ito sa paghabol sa kanila hanggang sa silangan ng Gibea. 44May 18,000 matatapang na sundalo ng Benjamin ang namatay. 45Tumakas ang iba papunta sa ilang sa Bato ng Rimon, pero 5,000 ang namatay sa kanila sa daan. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita hanggang sa Gidom at nakapatay pa ang mga Israelita ng 2,000. 46Sa kabuuan, 25,000 matatapang na taga-Benjamin ang namatay nang araw na iyon. Mga magagaling sila na sundalo at armado ng espada. 47Pero may 600 pa na taga-Benjamin ang nakatakas sa Bato ng Rimon, at doon sila nanatili sa loob ng apat na buwan 48Pagkatapos, bumalik ang mga Israelita sa mga bayan ng Benjamin at pinatay nila ang mga natitirang buhay pa, pati ang mga hayop. At sinunog nila ang lahat ng bayan ng mga taga-Benjamin na madaanan nila.
Copyright information for
TglASD