‏ Judges 19

Ang Levita at ang Kanyang Asawang Alipin

1Nang panahong iyon na wala pang hari ang Israel, may isang Levita
Levita: o, lahi ni Levi.
na nakatira sa malayong bahagi ng kabundukan ng Efraim. Ang Levitang ito ay nakapag-asawa ng isang alipin na taga-Betlehem sa Juda.
2Pero ang babaeng ito ay nagtaksil sa kanyang asawa at umuwi sa bahay ng magulang niya sa Betlehem. Pagkalipas ng apat na buwan, 3nagdesisyon ang Levita na sunduin ang asawa niya at kumbinsihing magsama silang muli. Kaya umalis siya kasama ang isa niyang utusan at dalawang asno. Pagdating niya roon, pinatuloy siya ng babae. Nang makita siya ng ama ng babae, malugod siyang tinanggap. 4Pinilit siya ng biyenan niyang lalaki na manatili roon. Kaya nanatili siya sa loob ng tatlong araw na doon kumakain, umiinom at natutulog.

5Nang ikaapat na araw, maaga silang bumangon para magkasamang umuwi. Pero sinabi ng ama ng babae sa manugang niya, “Kumain muna kayo bago umalis.” 6Kaya kumain silang dalawa. Pagkatapos, sinabi ng ama ng babae, “Dito muna kayo magpalipas ng gabi dahil magsasaya tayo.” 7Hindi sana siya papayag pero pinilit siya ng biyenang lalaki, kaya nanatili na lang sila. 8Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila. 9Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayo umalis bukas.”

10 11Pero hindi na pumayag ang Levita, sa halip, umalis siya at ang asawa niya, kasama ang utusan at ang dalawang asno. Papalubog na ang araw nang dumating sila malapit sa Jebus (na siyang Jerusalem ngayon). Kaya sinabi ng utusan ng Levita, “Mabuti po siguro na rito na lang tayo matulog sa lungsod na ito ng mga Jebuseo.” 12Sumagot ang Levita, “Hindi maaari na dito tayo matulog sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea. 13Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.” 14Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin. 15Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.

16Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.

17Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?” 18Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin
sa bahay namin: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, bahay ng Panginoon.
sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya.
19May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.” 20Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.” 21Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.

22Habang nagkakasayahan sila, biglang pinaligiran ng masasamang tao ang bahay, at kinalabog ang pintuan. Sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.” 23Sumagot ang matanda, “Bisita ko siya, kaya huwag nʼyo siyang gawan ng marumi at kahiya-hiyang bagay. 24Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”

25Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita. 26Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.

27Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan para umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan. 28Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Pero patay na pala ang babae, kaya ikinarga niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.

29Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa 12 bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa 12 lahi ng Israel. 30Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”

Copyright information for TglASD