Judges 18
Si Micas at ang Lahi ni Dan
1Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel. At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan nila at magiging sa kanila. Sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ay hindi pa natatanggap ang lupaing mamanahin nila. 2Kaya nagsugo ang mga lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa kalahi nila para maghanap ng matitirhan nila. Ang limang lalaki ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.Nang umalis na sila para maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim, at doon sila natulog. 3Habang naroon sila, nalaman nilang hindi taga-roon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”
4Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at pinapasahod niya ako.” 5Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Dios kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.” 6Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”
7Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Laish. Nakita nila na maayos ang pamumuhay ng mga tao roon tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar, at mabuti ang kalagayan ng mga tao. Ang lugar na ito ay malayo sa mga Sidoneo, at wala silang kakamping bansa. 8Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. 9Sinabi nila, “Tayo na, nakakita na kami ng pinakamabuting lugar para sa atin. Bilisan natin! Lusubin na natin ang lupaing iyon. 10Ibinigay na iyon sa atin ng Dios. Malawak at masagana; naroon ang lahat ng kailangan natin. At isa pa, mapayapa ang lugar na iyon kaya hindi sila mag-iisip na may mangyayaring masama.”
11Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang 600 armadong lalaki mula sa lahi ni Dan para makipaglaban. 12Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat Jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Kampo ni Dan.) 13Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.
14Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit ▼
▼espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?” 15Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon. 16– 17Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan. 18Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?” 19Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?” 20Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.
21Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit. 22Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan. 23Sinigawan nila sila, at lumingon ang mga ito at nagtanong kay Micas, “Ano ba ang nangyari at hinahabol nʼyo kami?”
24Sumagot si Micas, “Nagtatanong pa kayo? Kinuha nʼyo ang mga dios na aking ipinagawa, pati ang pari ko. Wala nang natira sa akin.” 25Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.” 26At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.
27Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Laish dala ang mga dios-diosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Laish, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Laish, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod. 28Walang tumulong sa mga taga-Laish dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet Rehob. Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito. 29Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nito ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob. ▼
▼Jacob: sa Hebreo, Israel.
30Ipinatayo nila roon ang dios-diosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gershom at apo ni Moises ang ginawa nilang pari. Ang mga angkan ni Jonatan ang naglingkod bilang mga pari sa lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag sa mga taga-Israel. 31At habang ang tolda na pinagsasambahan sa Dios ay naroon pa sa Shilo, ang dios-diosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.
Copyright information for
TglASD