Joshua 9
Niloko ng mga Taga-Gibeon ang mga Israelita
1Narinig ng lahat ng hari sa kanluran ng Jordan ang pagtatagumpay ng mga Israelita. (Ito ay ang mga hari ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo.) Nakatira sila sa mga kabundukan, kaburulan sa kanluran ▼▼kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.
at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Lebanon. 2Nagtipon silang lahat para makipaglaban kay Josue at sa Israel. 3Pero nang marinig ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at Ai, 4naghanap sila ng paraan para lokohin si Josue. Nagpadala sila ng mga tao kay Josue, ang mga asno nilaʼy may mga kargang lumang sako at mga sisidlang-balat ng alak na sira-sira at tagpi-tagpi. 5Nagsuot sila ng mga lumang damit at mga sandalyas na pudpod at tagpi-tagpi. Nagbaon sila ng matitigas at inaamag na mga tinapay. 6Pagkatapos, pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Pumunta kami rito galing sa malayong lugar para hilingin sa inyo na gumawa kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo gagalawin ang mga mamamayan namin.” 7Pero sumagot ang mga Israelita, “Baka taga-rito rin kayo malapit sa amin. Kaya hindi kami maaaring gumawa ng kasunduan sa inyo.” 8Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maging lingkod ninyo.” Nagtanong si Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo nanggaling?” 9Sumagot sila, “Galing po kami sa napakalayong lugar. Pumunta kami rito dahil narinig namin ang tungkol sa Panginoon na inyong Dios. Nabalitaan din namin ang lahat ng kanyang ginawa sa Egipto, 10at sa dalawang hari na Amoreo sa silangan ng Jordan na sina Haring Sihon ng Heshbon, at Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot. 11Kaya inutusan kami ng mga tagapamahala at mga kababayan namin na maghanda ng pagkain at pumunta rito, at makipagkita sa inyo para sabihin na handa kaming maglingkod sa inyo bastaʼt gumawa lang kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo kami gagalawin. 12Tingnan nʼyo po ang tinapay namin, mainit pa ito pag-alis namin, pero ngayon matigas na at durug-durog pa. 13Itong mga sisidlang-balat ay bago pa nang salinan namin ng alak, pero tingnan nʼyo po, sira-sira na ito. Ang mga damit at sandalyas namin ay naluma na dahil sa malayong paglalakbay.”
14Naniwala at tinanggap ng mga Israelita ang mga ebidensya na dala nila, pero hindi sila nagtanong sa Panginoon tungkol dito. 15Gumawa si Josue ng kasunduan sa kanila, na hindi niya sila gagalawin o kayaʼy papatayin. At nanumpa ang mga pinuno ng mga kapulungan ng Israel sa kasunduang ito.
16Pagkalipas ng tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nabalitaan ng mga Israelita na malapit lang pala sa kanila ang tinitirhan ng mga taong iyon. 17Kaya umalis ang mga Israelita, at matapos ang tatlong araw, nakarating sila sa mga lungsod na tinitirhan ng mga taong iyon. Itoʼy ang mga lungsod ng Gibeon, Kefira, Beerot at Kiriat Jearim. 18Pero hindi sila nilusob ng mga Israelita dahil may sinumpaan silang kasunduan sa mga pinuno ng Israel sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Nagreklamo ang mga Israelita sa mga pinuno nila, 19pero sumagot ang lahat ng pinuno, “May sinumpaan na tayo sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kaya ngayon ay hindi natin sila pwedeng galawin. 20Ganito ang gagawin natin: Hindi natin sila papatayin dahil baka parusahan tayo ng Dios kapag sinira natin ang sumpaan natin sa kanila. 21Pabayaan natin silang mabuhay, pero gawin natin silang tagapangahoy at tagaigib ng buong mamamayan.” At ganito nga ang nangyari sa mga taga-Gibeon ayon sa sinabi ng mga pinuno tungkol sa kanila.
22Ipinatawag ni Josue ang mga taga-Gibeon at sinabi, “Bakit nʼyo kami niloko? Bakit nʼyo sinabing galing pa kayo sa malayong lugar pero taga-rito lang pala kayo malapit sa amin? 23Dahil sa ginawa nʼyo, isusumpa kayo ng Dios: Mula ngayon, maglilingkod kayo bilang tagapangahoy at tagaigib para sa bahay ng aking Dios.” 24Sumagot sila kay Josue, “Ginawa namin ito dahil natatakot po kami na baka patayin nʼyo kami. Dahil nabalitaan po namin na inutusan ng Panginoon na inyong Dios si Moises na kanyang lingkod, na ibigay sa inyo ang lupaing ito at patayin ang lahat ng nakatira rito. 25Ngayon, nandito kami sa ilalim ng kapangyarihan nʼyo, kayo ang masusunod kung ano po ang dapat ninyong gawin sa amin.” 26Hindi pinahintulutan ni Josue na patayin sila ng mga Israelita. 27Pero ginawa niya silang mga tagapangahoy at tagaigib para sa mga Israelita at sa altar ng Panginoon. Hanggang ngayon, ginagawa nila ang gawaing ito sa lugar na pinili ng Panginoon kung saan siya sasambahin.
Copyright information for
TglASD