Joshua 6
Ang Pagbagsak ng Jerico
1Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod. 2Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico pati ang hari at mga sundalo nito. 3Ikaw at ang mga sundalo mo ay iikot sa lungsod ng isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. 4Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari na ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. 5Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang.”6Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.” 7At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”
8Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. 9Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw. 11Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.
12Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan, 13at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.
15Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.” 20Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno. 22Inutusan ni Josue ang dalawang espiya, “Puntahan nʼyo ang bahay ng babaeng bayaran, at palabasin nʼyo sila at ang buong pamilya niya ayon sa ipinangako nʼyo sa kanya.” 23Kaya umalis silang dalawa at dinala nila palabas si Rahab, kasama ang mga magulang niya, mga kapatid at ang buo niyang sambahayan. Pinalabas nila ang mga ito at nanatili sa labas ng kampo ng Israel. 24Sinunog nila ang buong lungsod at ang lahat ng nandoon maliban sa mga bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso at bakal. Pinagkukuha nila ito para ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon. 25Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya dahil itinago niya ang mga lalaking inutusan ni Josue para mag-espiya sa Jerico. Hanggang ngayon, ang mga angkan niya ay naninirahan sa Israel.
26Nang panahong iyon, binalaan ni Josue ang mga Israelita, “Isusumpa ng Panginoon ang sinumang maghahangad na itayo ulit ang lungsod ng Jerico. Mamamatay ang panganay na anak ng sinumang magtatayo ng pundasyon o ang sinumang gagawa ng mga pintuan nito.”
27Kasama ni Josue ang Panginoon, at naging tanyag siya sa buong lupain.
Copyright information for
TglASD