‏ Joshua 3

Tumawid ang mga Israelita sa Jordan

1Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog ng Jordan. Nagkampo muna sila roon bago sila tumawid. 2Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno 3at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila, 4para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”

5Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili
Linisin nʼyo ang inyong sarili: Ang ibig sabihin, sundin nila ang seremonya ng pagiging malinis.
dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.”
6Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.

7At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. 8Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”

9Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios. 10Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo. 11Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 12Kaya ngayon, pumili kayo ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. 13Kapag lumusong na ang mga pari na tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog ng Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”

14 15Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog, 16huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay,
Dagat na Patay: sa Hebreo, Dagat ng Araba, ang pinakamaalat na dagat.
kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico.
17Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.

Copyright information for TglASD