Joshua 24
Muling Nangako ang mga Israelita na Tutuparin Nila ang Kasunduan ng Dios
1Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.2Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor. 3Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac, 4at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto. 5Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno. 6Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe. 7Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.
8“ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. 9Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. 10Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.
11“ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. 12Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. 13Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’
14“Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon. 15Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”
16Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios. 17Ang Panginoon na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin. 18Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.”
19Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo. 20Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”
21Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.” 22Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”
23Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.” 24Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”
25Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin. 26Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng Panginoon. 27At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang Panginoon sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.” 28Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.
Namatay si Josue at si Eleazar
29Dumating ang panahon na namatay ang lingkod ng Panginoon na si Josue, na anak ni Nun sa edad na 110. 30Inilibing siya sa lupain niya sa Timnat Sera, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas. 31Naglingkod sa Panginoon ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Josue. At kahit patay na si Josue, nanatili pa rin sila sa paglilingkod sa Panginoon habang buhay pa ang mga tagapamahala ng Israel na nakaranas ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa Israel. 32Ang mga buto ni Jose na dinala ng mga Israelita mula sa Egipto ay inilibing sa Shekem, sa lupa na binili ni Jacob ng 100 pilak sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem. Ang lupang itoʼy bahagi ng teritoryo na ibinigay sa mga lahi ni Jose.33Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayan sa kabundukan ng Efraim, na ibinigay ni Eleazar sa anak niyang si Finehas.
Copyright information for
TglASD