‏ Joshua 11

Nasakop ng Israel ang mga Lugar sa Hilaga

1Nang mabalitaan ni Haring Jabin ng Hazor ang mga tagumpay ng Israel, nagpadala siya ng mensahe kay Haring Jobab ng Madon, sa mga hari ng Shimron at Acshaf, 2sa mga haring nasa kabundukan sa hilaga, sa mga hari sa Lambak ng Jordan
Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba. Ganito rin sa talatang 16.
na nasa timog ng Lawa ng Galilea,
Galilea: sa Hebreo, Kineret.
sa mga hari sa kaburulan sa kanluran,
kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela. Ganito rin sa talatang 16.
sa mga hari sa baybayin ng Dor sa kanluran,
3sa mga hari ng mga Cananeo sa silangan at sa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa mga hari ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Jebuseo na nakatira sa kabundukan, at sa mga hari ng mga Hiveo sa ibaba ng Bundok ng Hermon sa lupain ng Mizpa. 4Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe. 5Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.

6Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.” 7Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom. 8At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos. 9At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.

10Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.) 11Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.

12Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. 13Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor. 14Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay. 15Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

16Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel. 17Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito 18sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila. 19Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan. 20Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.

21Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan. 22Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.

23Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.

At nahinto na ang labanan sa buong lupain.

Copyright information for TglASD