‏ John 21

Nagpakita si Jesus sa Kanyang Pitong Tagasunod

1Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedee, at dalawa pang mga tagasunod. 3Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon. 4Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon. 5Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan,
Mga kaibigan: sa literal, Mga anak.
may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.”
6Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda. 7Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan. 8Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. 9Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay. 10Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.” 11Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat. 12Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.

Si Jesus at si Pedro

15Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 16Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19(Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”

Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus

20Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.

Copyright information for TglASD