‏ John 5

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaki sa Betesda

1Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2Sa isang pintuan ng lungsod ng Jerusalem, kung saan idinadaan ang mga tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Hebreo ay Betesda.
Betesda: Sa ibang tekstong Griego, Betsata o, Betsaida.
Sa paligid nito ay may limang silungan,
3kung saan nakahiga ang maraming may sakit – mga bulag, pilay at mga paralitiko. [ 4Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Dios na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ng anghel ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.]
Ang talatang ito ay hindi makikita sa ibang lumang teksto ng Griego.
5May isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6Nakita ni Jesus ang lalaki na nakahiga roon at nalaman niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Jesus, “Gusto mo bang gumaling?” 7Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, pero walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako, nauunahan na ako ng iba.” 8Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” 9Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang higaan niya at lumakad.

Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga.
10Kaya sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa taong pinagaling, “Hindi baʼt Araw ng Pamamahinga ngayon? Labag sa Kautusan ang pagbubuhat mo ng higaan!” 11Pero sumagot siya, “Ang taong nagpagaling sa akin ang nag-utos na buhatin ko ito at lumakad.” 12Tinanong nila siya, “Sino ang nag-utos sa iyong buhatin ang higaan mo at lumakad?” 13Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil nawala na si Jesus sa dami ng tao.

14Hindi nagtagal, nakita ni Jesus sa templo ang taong pinagaling niya, at sinabihan, “O, magaling ka na ngayon. Huwag ka nang magkasala pa, at baka mas masama pa ang mangyari sa iyo.” 15Umalis ang lalaki at pumunta sa mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16Kaya mula noon, sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus, dahil nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.

17Pero sinabihan sila ni Jesus, “Patuloy na gumagawa ang aking Ama, kaya patuloy din ako sa paggawa.” 18Dahil sa sinabing ito ni Jesus, lalong sinikap ng mga pinuno ng mga Judio na patayin siya. Sapagkat hindi lang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Dios, at sa gayoʼy ipinapantay ang sarili sa Dios.

Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios

19Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.

24“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita
salita: sa literal, tinig.
ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay.
26May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”

Ang mga Nagpapatotoo kay Jesus

30 Sinabi pa ni Jesus, “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 31Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, magduda kayo sa sinasabi ko. 32Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi. 33Maging si Juan na tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao upang tanungin siya. 34Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng isang tao, kundi upang sumampalataya kayo sa akin at maligtas. 35Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit saglit lang. 36Ngunit may nagpapatotoo pa tungkol sa akin na higit pa kay Juan. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama. Ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin. 37At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya. 38At hindi nʼyo tinanggap ang kanyang salita dahil hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sugo. 39Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, 40pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.

41“Hindi ko hinahangad ang papuri ng mga tao. 42Kilala ko talaga kayo at alam kong wala sa mga puso ninyo ang pagmamahal sa Dios. 43Naparito ako sa pangalan
pangalan: o, kapangyarihan.
ng aking Ama, ngunit ayaw ninyo akong tanggapin. Pero kung may dumating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap ninyo siya.
44Paano kayo sasampalataya sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Dios? 45Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyo ang siyang mag-aakusa sa inyo. 46Dahil kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin, dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin. 47Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Copyright information for TglASD