John 20
Muling Nabuhay si Jesus
(Mat. 28:1-8; Mar. 16:1-8; Luc. 24:1-12)
1Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito. 2Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa tagasunod na mahal ni Jesus. Pagdating niya sa kinaroroonan nila, sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala.” 3Kaya tumakbo si Pedro papunta sa libingan kasama ang nasabing tagasunod. 4Pareho silang tumakbo, pero mas mabilis ang isa kaysa kay Pedro, kaya nauna itong nakarating sa libingan. 5Yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen na ipinambalot kay Jesus, pero hindi siya pumasok. 6Kasunod naman niyang dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen, 7maging ang ipinambalot sa ulo ni Jesus. Nakatiklop ito sa mismong lugar nito, at nakahiwalay sa ibang pang mga tela. 8– 9Pumasok na rin ang tagasunod na naunang nakarating, at nakita rin niya ang mga ito. Kahit na hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa sinasabi ng Kasulatan na si Jesus ay muling mabubuhay, naniwala siya na muling nabuhay si Jesus. 10Pagkatapos nito, umuwi ang dalawang tagasunod.Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala
(Mat. 28:9-10; Mar. 16:9-11)
11Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan 12at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. 13Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” 14Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Jesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Jesus iyon. 15Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero roon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Jesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay “Guro”.) 17Sinabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios.” 18Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga tagasunod ni Jesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinapasabi ni Jesus.Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya
(Mat. 28:16-20; Mar. 16:14-18; Luc. 24:36-49)
19Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon. 21Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.” 22Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu. 23Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”Ang Pagdududa ni Tomas
24Si Tomas na tinatawag na Kambal, ▼▼Kambal: sa Griego, Didimus.
na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus. 25Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.” 26Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.” 28Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!” 29Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito. 31Pero ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.
Copyright information for
TglASD